Ikinalugod ng mga lider ng Quad Committee ng House of Representatives ang malakas na suporta na ipinahayag ng publiko sa imbestigasyon nito upang lumabas ang katotohanan at mapanagot ang mga may sala sa kalakalan ng iligal na droga, iligal na operasyon ng POGO, at libu-libong extrajudicial killings noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa resulta ng isang survey 61 porsiyento ang pabor sa imbestigasyon ng Quad Comm.
Ayon kina Quad Comm lead chair Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers at mga Quad Comm co-chairmen na sina Dan Fernandez ng Laguna, Joseph Stephen “Caraps” Paduano ng Abang Lingkod Party-list, at Bienvenido Abante ng Manila at Quad Comm Senior Vice Chairman Romeo Acop ng Antipolo ito ay malinaw na nais ng publiko na magkaroon ng hustisya at ilantad ang katotohanan sa likod ng mga naitalang pang-aabuso.
Ang Quad Comm ay binubuo ng Committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts.
Matapos makapagsagawa ng 13 imbestigasyon mula Agosto hanggang Disyembre 2024, nakumbinsi ang mga miyembro ng Quad Comm na ang war on drugs campaign ni dating Pangulong Duterte ay ginamit lamang upang pagtakpan ang isang “grand criminal enterprise” na kinasasangkutan ng mga matataas na opisyal ng gobyerno, sistematikong korupsyon, at international drug trafficking networks.
Kung mayroon umanong mga pinapatay sa war on drugs, mayroon umanong grupo na pinoproteksyunan na siyang lumago at namayagpag nooong panahon ni Duterte at mahalaga umano na lumabas ang katotohanang ito.
Iginiit rin ng mga mambabatas ang kahalagahan na makagawa ng mga batas upang matiyak na hindi na ito mauulit.
Bilang sukli ng malakas na suporta ng publiko, nangako ang mga lider ng Quad Comm na kanilang itataguyod ang pagkakaroon ng hustisya, at gagawa ng mga hakbang upang mapigilan na muling maulit ang mga pang-aabuso.