-- Advertisements --

Inihain ng mga lider ng Kamara de Representantes noong Miyerkules ang House Bill (HB) No.11192 na naglalayong i-regulate ang paglalaan at paggamit ng confidential at intelligence funds (CIFs) at patawan ng parusa ang maling paggamit nito.

Naghain din sila ng kaugnay na panukala upang i-regulate ang mga special disbursing officer (SDO) ng gobyerno at magtakda ng parusa sa maling paggamit ng pondong kanilang pinangangasiwaan.

Ang dalawang panukala ay inakda ng 38 miyembro ng Committee on Good Government and Public Accountability na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua, kasama sina Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr., Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez, at Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., vice chairman ng komite.

Ang mga panukalang batas ay bunga ng masusing imbestigasyon ng komite sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds na natanggap ng Office of the Vice President Sara Duterte at ng Department of Education sa ilalim ng kaniyang pamumuno.

Sa kanilang explanatory note, binanggit ng mga may-akda na ang paggamit ng CIFs ay “palaging may kaugnay na isyu, kabilang ang pagiging subject nito sa audit.”

Ayon sa kanila, ang Joint Circular No. 2015-01 na inilabas ng COA, DBM, DILG, GCG, at DND ay “nagpapatupad ng mas maluwag na requirement para sa liquidation ng cash advances mula sa confidential funds kumpara sa cash advances ng regular na pondo.

Natuklasan ng komite sa mga pagdinig ang ilang mga paglabag sa paglalaan at paggamit ng CIFs.

Ayon sa mga may-akda, ang P112.5 milyong CIF na inilabas sa DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte “ay ginamit upang suportahan ang mga operasyon nito at hindi para sa pambansang seguridad,” na taliwas sa orihinal na layunin ng pondo.

Ang pinaikling pamagat ng panukalang batas ay, “Confidential and Intelligence Funds Utilization and Accountability Act.”

Sinasaad sa panukalang batas na ang CIFs “ay ilalaan sa mga ahensya ayon sa itinatadhana ng General Appropriations Act at sa lahat ng iba pang ahensya, departamento, yunit na may mga mandato na may kinalaman sa pambansang seguridad, kapayapaan at kaayusan, at pangangalap ng impormasyon.”

Ang kabuuang alokasyon para sa confidential funds ng isang ahensya, batay sa bilang ng populasyong pinaglilingkuran, ay hindi dapat lumampas sa 10 porsyento ng kabuuang taunang badyet ng ahensya, maliban na lamang kung ito ay inaprubahan ng batas.

Ipinagbabawal ng panukalang batas ang paggamit ng CIFs “para sa mga operasyon ng ahensya na hindi direktang may kinalaman sa peace and order or intelligence gathering, political activities, personal o pribadong gastusin ng mga opisyal o empleyado ng gobyerno, at mga public relations o   non-security-related purposes.”

Lahat ng mga pambansang ahensya, lokal na yunit ng gobyerno, at mga korporasyong pag-aari ng gobyerno na gumagamit ng CIFs ay kinakailangang magsumite ng mga ulat sa COA para sa audit ng mga pag-gastos.

Nagtatakda rin ang panukalang batas na ang paghahanda ng alokasyon at layunin ng confidential funds ay dapat ipahayag sa publiko, sa paraang hindi makakasama sa pambansang seguridad o mga operasyon ng pagpapatupad ng batas.

Dagdag pa rito, itinatakda ng panukalang batas na mawawala ang confidentiality status ng CIFs at agad itong ide-declassify kapag naglabas ang COA ng notice of disallowance.

Ang mga pondo, kasama ang lahat ng kaugnay na impormasyon at dokumento, ay magiging paksa ng mga imbestigasyon at pagsusuri, at ilalantad sa publiko, nang walang kinakailangang legal na mga hakbang o kautusan na pilit na ipapatupad.