Nanawagan ang dalawang house leaders na masusing imbestigahan ang “deepfake” audio ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na nagbibigay ng umano’y utos na gamitan na ng military force ang ginagawang pangigipit ng China sa West Philippine Sea.
Ayon kay Senior Deputy Speaker at Pampanga Representative Aurelio Gonzales Jr. ang pagkalat ng deepfake audio ng Pangulong Marcos ay isang “malicious dissemination of fabricated information,” at ito ay isang national security concern.
Sinabi ni Gonzales ang mga indibidwal na nasa likod ng deepfake audio ay dapat managot sa batas.
“We should not allow this to happen again. We should not tolerate criminally-minded persons to wreak havoc on our national security and to give our people fake information,” pahayag ni SDS Gonzales.
Sa ngayon nagsanib pwersa na ang PNP Anti-Cybercrime Group at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) para imbestigahan ang nasabing asunto.
Ang paglaganap ng deepfake audio na gumagamit ng artificial intelligence bilang isang digital content manipulation tool ay kasunod ng lumalalim na tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at Beijing kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea.
Sa panig naman ni Deputy Speaker at Quezon Representative David “Jayjay” Suarez na dapat bigyan ng update ang Kamara hinggil sa isinasagawang imbestigasyon ng PNP ACG at DICT kaugnay sa deepfake audio.
Mungkahi pa nito na hingin ng ahensya ang tulong ng mga eksperto mula sa pribadong sektor para sa kanilang imbestigasyon.
Dagdag pa ni Suarez, hindi dapat magpaloko ang mga sundalo sa naturang gawa-gawang video na nagpapanggap na Pangulo.
“I trust that they will heed instructions issued only through official lines of communication and from the chain of command. I believe in the professionalism and patriotism of our soldiers,” giit ni Suarez.