-- Advertisements --

Kinondena ng mga lider ng Kamara ang paghahain ng petisyon ni Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema (SC) upang pigilan ang pagsasagawa ng impeachment trial kung saan mauungkat ang mga ebidensya kaugnay ng paggastos nito ng confidential fund at pagbabanta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Iginigiit nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga at Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez ng Quezon na ang petisyon ni Duterte ay tahasang pagtatangkang balewalain ang konstitusyonal na kapangyarihan ng Kongreso na tukuyin kung dapat siyang papanagutin sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan at iba pang akusasyon.

Pinaninindigan ni Suarez na sumusunod ang Kamara sa tamang na proseso, at ang petisyon ni Duterte ay lumilikha ng isang mapanganib na halimbawa ng labis na panghihimasok ng hudikatura sa isang prosesong itinakda ng Konstitusyon.

Iginiit pa ni Suarez na ang legal na hakbang ni Duterte ay tila may pagkataranta at isang garapalang pagtatangka na pahinain ang impeachment trial bago pa man ang pormal na pagsisimula nito.

Tiniyak ng mga lider ng Kamara na tututulan nila ang anumang pagtatangkang hadlangan o patagalin ang proseso sa pamamagitan ng mga pamamaniobra sa batas, at muling iginiit ang kanilang paninindigan na pangalagaan ang integridad ng impeachment process.