Pinuri ng mga lider ng Kamara ang Philippine National Police (PNP) at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) para sa pagkakaaresto sa puganteng religious leader na si Apollo Quiboloy sa loob ng compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) noong Linggo.
Panawagan ng mga mambabatas ang mabilis at masusing paglilitis at tiyaking makakamit ng kaniyang mga biktima ang katarungan, kabilang na ang mga biktima ng child abuse at human trafficking.
Si Quiboloy na sumuko sa ISAFP, ay dumating sa Villamor Air Base noong Linggo mula Davao City ay agad na inilipat sa PNP Custodial Facility sa Camp Crame sa Quezon City.
Muli ring kinondena ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., chairman ng Committee on Human Rights, ang mga umano’y akusasyon laban kay Quiboloy na tinawag niyang “mga gawa ng kasamaan” at binigyang-diin ang pangangailangan sa agarang paglilitis upang makamit ng mga biktima ang hustisya.
Ayon kay Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez, chair ng Committee on Public Order and Safety, ang pag-aresto kay Quiboloy ay isang mahalagang hakbang sa laban laban sa human trafficking at ang pangangailangan na agad na maghatid ng katarungan.
Binibigyang-diin naman ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, chair ng Committee on Dangerous Drugs, na ang mga kaso laban kay Quiboloy ay hindi lamang tungkol sa isang indibidwal, kundi tungkol sa pagwasak ng malalim ng mga sistema ng pang-aabuso.
Pinuri rin ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, chair ng Committee on Transportation, ang pag-aresto kay Quiboloy bilang isang “malaking tagumpay” sa laban kontra human trafficking at pang-aabuso sa mga bata.
Nakikiisa rin si Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, chair ng Committee on Public Accounts, mabilis na aksyon ng mga tagapagpatupad ng batas.
Binibigyang-diin niya ang pangangailangan na protektahan ang mga karapatang pantao at ang mga mahihinang indibidwal mula sa pagsasamantala.
Si Quiboloy, ang self-proclaimed “Son of God” at pinuno ng the Kingdom of Jesus Christ, ay naaresto noong Linggo matapos ang ilang linggong search operation sa kaniyang compound sa Davao City.
Kabilang sa mga kasong kinakaharap ni Quiboloy ang paglabag sa Republic Act (RA) 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, at RA 9208, para sa qualified human trafficking, na may mga arrest warrant na inilabas ng mga korte sa mga lungsod ng Davao at Pasig.
Si Quiboloy ay matagal nang nahaharap sa alegasyon ng pananamantala ng mga kababaihan at menor de edad, bilang bahagi ng kanyang mga relihiyosong gawain.
Taong 2021, inakusahan rin si Quiboloy ng U.S. Justice Department ng sex-trafficking sa mga batang babae at kababaihan, edad 12 hanggang 25, na umano’y pinilit sa sekswal na relasyon habang sila ay nagsisilbi bilang “pastorals.”