Tiniyak ng mga lider ng Kamara de Representantes ang suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na pangalagaan ang interes ng Pilipinas at itaguyod ang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa sa gitna ng ginagawang iligal na pagpasok ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Assistant Majority Leader Maria Amparo “Pammy” Zamora ng Taguig City, 2nd District nais lamang nila na masustine ang foreign policy ng Pangulo dahil hindi kakayanin ng Pilipinas na lumaban ng batas.
Ang pahayag ni Zamora ay kaugnay ng pinakahuling insidente sa WPS kung saan ginamitan ng water cannon ng Chinese Coast Guard ang dalawang supply ship ng Pilipinas malapit sa Bajo de Masinloc na nasa loon ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sinabi naman ni House Deputy Majority Leader Faustino “Inno” Dy (Isabela, 6th District) na ang naturang insidente ng itigil ng China at hindi ito dapat na hayaan.
Binigyan-diin ni Dy ang kahalagahan na maipagpatuloy ang pagiging hayag at ang pagkakaisa ng mga magkakapitbahay na bansa sa pagtugon sa mga hamong dulot ng mga aksyon ng China sa WPS.
Iginiit naman ni Assistant Majority Leader Mikaela Angela “Mika” Suansing (Nueva Ecija, 1st District) ang kahalagahan na lalong palakasin ang alyansa ng Pilipinas sa international community upang matugunan ang agresyon ng China.
Tinukoy ni Suansing ang kahalagahan ng trilateral meeting nina Pangulong Marcos, US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Washington, D.C.
Kinilala ni Suansing ang pagpasa ng panukalang Philippines Enhanced Resilience Act (PERA) sa Kongreso ng Estados Unidos na resulta ng pagpupulong.
Sa ilalim ng PERA ay makakukuha ng $800 milyong tulong ang Pilipinas, kasama na ang military equipment at reinforcements.
Ayon naman kay Deputy Majority Leader Jude Acidre (Tingog Partylist) mahalaga na mapalakas ang kakayanan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pagbabantay ng maritime border ng bansa sa gitna ng umiinit na tensyon sa WPS.
Sinabi ni Acidre na ang paparating na deliberasyon ng budget ay magbibigay ng bagong oportunidad upang makapaglaan ng pondo na magpapalakas sa PCG upang mas magampanan nito ang kanilang mandato.