Kapwa nananawagan sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe kay Vice President Sara Duterte na itigil na ang pag-iwas sa isyu sa maling paggamit ng pondo at huwag i-divert ang isyu sa iba pang usapin.
Ayon sa house leaders ang mga naging bwelta ng pangalawang pangulo ay indikasyon na siya ay desperado na.
Sinabi ni Gonzalez ang pondo na mula sa kaban ng bayan ang nakasalalay dito kaya itigil na nito ang pag-iwas sa isyu at harapin na lamang niya ito.
Giit ni Gonzales dapat maging malinaw ang sagot ni VP hinggil dito at pati mga sundalo ay ginamit niya.
Sa kabilang dako inihayag ni majority leader Dalipe na ang ginagawa ngayon ni VP Sara ay patunay na deperada na ito at para ilihis ang isyu.
Sinabi ni Dalipe na imbes harapin ang mga seryosong alegasyon, inaatake nito ang ibang mga personalidad.
Ayon sa mga pinuno ng Kamara, mas lalong lumilitaw ang desperasyon ni Duterte kasunod ng mga pagsisiwalat kamakailan na ang DepEd, sa ilalim ng kanyang pamumuno, ay maling nag-claim na ginamit ang confidential and intelligence funds (CIFs) nito para sa Youth Leadership Summits (YLS).
Napag-alaman na ang Sandatahang Lakas at mga local government unit ang umako sa mga gastusin para sa YLS noong 2023, sa kabila ng sinabi ng DepEd na ang mga CIF nito ay ginamit.
Itinanggi ng mga opisyal ng militar ang anumang pagkakasangkot ng mga CIF ng DepEd sa mga summit, ngunit ginamit ng ahensya sa ilalim ng dating Kalihim na si Duterte ang kanilang mga sertipikasyon upang bigyang-katwiran ang P15 milyon sa mga CIF, para umano sa pagbabayad ng mga informer.
Ayon kina Gonzalez at Dalipe, deserve ng publiko na malaman ang katotohanan kung paano ginastos ang pondo ng gobyerno.