Umapela ang tatlong lider ng Kamara sa Senado na aksyunan ang panukala na mag-aamyenda sa economic provision ng Konstitusyon matapos lumabas sa survey na 57 porsyento ng mga Pilipino ang pabor dito.
Ayon kina Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr., Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez at Majority Leader Manuel Jose Dalipe ang resulta ng Tangere survey ay hudyat sa liderato ng Senado upang aprubahan ang panukala.
Sinabi ni Gonzales na malinaw ang resulta ng survey ng big data research firm na Tangere noong Mayo 21 hanggang 25 na nakararaming Pilipino ang sumusuporta sa economic Charter amendments.
Inaprubahan na ng Kamara ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, ang bersyon nito ng panukalang economic Charter change noong Marso.
Ang bersyon naman ng Senado—ang RBH 6 ay nakabinbin pa sa subcommittee level na dating pinamumunuan ni Sen. Juan Edgardo Angara.
Sinabi ni Gonzales na hindi nito alam kung ano ang mangyayari sa RBH 6 matapos na matanggal si Sen. Juan Miguel Zubiri bilang Senate President at palitan ni Sen. Francis Escudero.
Sina Zubiri, Angara, at Sen. Loren Legarda ang may-akda ng RBH 6.
Nanawagan naman si Suarez sa pamunuan ni Escudero na ipagpatuloy ang pagtalakay sa RBH 6.
“So far, new Senate President Escudero has spoken on a lot of things, except the proposed economic constitutional amendments,” wika ni Suarez.
Para naman kay Dalipe, maaari ipasa ng Senado ang RRBH 6 sa pagbubukas ng third regular session ng 19th Congress sa Hulyo.
Sinabi ni Dalipe na magiging abala na ang maraming politiko dahil sa paparating na eleksyon kaya makabubuti kung agad na maipapasa ng Senado ang RBH 6.
“We won’t be able to accomplish much after that. That’s the reality of this situation,” dagdag pa ni Dalipe.
Batay sa resulta ng survey ng Tangere tumaas ng dalawang puntos ang mga pabor sa economic Charter amendments kumpara sa mas nauna nitong survey.
Anim hanggang pito sa bawat 10 respondents ang naniniwala na ang panukala ay makatutulong sa pagdami ng mapapasukang trabaho (72 porsyento), pagganda ng takbo ng ekonomiya (68 porsyento), pagtaas ng sahod at benepisyo ng mga manggagawa (67 porsyento), at pagbaba ng presyo ng mga bilihin (63 porsyento).
Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,500 respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.