Walang nakikitang basehan ang mga lider ng Kamara sa pangamba na magkaroon ng civil unrest kasunod ng pag-aresto kay dating Pang. Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong kinakaharap nito sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur ang mga ikinakalat na post kaugnay ng mga malalaking rally sa social media ay hindi totoo at nangyari sa ibang bansa.
Sinabi ni Adiong, bagamat ipinauubaya na sa mga regional police directors na suriin ang mga posibleng banta, wala namang pangangailangan para itaas ang national alert level.
Ipinunto pa ni Adiong na ang mas nakakabahala ay ang pagkalat ng pekeng mga balita sa social media kung saan may mga mapanlinlang na mga imahe at video na pinapakalat para lang palalain ang reaksyon ng sa kaso ni Duterte sa ICC.
Sinangyunan ito ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union at sinabi na sinasadya ang pagpapakalat na mayroong malaking pag-aaklas na nagaganap kahit hindi ito totoo.
Tinukoy niya ang hakbang na ginagawa ngayon ng Kamara sa pamamgitan ng pagdinig na layong balansehin ang pag protekta sa kalayaan na magpahayag at pagsiguro na hindi nagagamit ang social media para linlangin ang publiko.
Hinikayat ni Ortega ang publiko na mas maging mapanuri at matalino sa pagkuha ng impormasyon lalo na sa social media.