-- Advertisements --
House Congress
House congress

Bago pormal simulan ng Kamara ang deliberasyon sa P4.1-trillion proposed national budget, nagtipon-tipon nitong Miyerkules ang mga kongresistang napabilang sa mayorya.

Aabot sa 160 kongresista ang dumalo sa majority caucus na ipinatawag ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa isang mall sa Taguig City.

Natalakay sa caucus ang mga priority measures na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-apat na State of the Nation Address nito noong Hulyo.

“After receiving the 2020 national budget yesterday, we are setting timelines and defining tasks and responsibilities to ensure that we get things done,” ani Cayetano sa isang Facebook post.

Kahapon, Agosto 20, nang isinumite sa Kamara ng Department of Budget and Management ang National Expenditure Program ng Duterte administration para sa Fiscal Year 2020.

Nauna nang sinabi ni House Majority Leader Martin Romualdez na magsasagawa ng marathon hearings ang kapulungan matiyak lamang na maipapasa nila ang panukalang pambansang pondo sa kanilang deadline bago ang Congressional recess sa Oktubre.

Ngayon araw ay nakatakdang magsimula ang budget deliberations ng Kamara.