Hinimok ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan ang Marcos administration na bigyan ng kaukulang proteksiyon at seguridad ang mga pangunahing testigo sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng House Quad Committee kaugnay sa kontrobersiyal na war on drugs ng nakalipas na Duterte administration.
Sa isang statement, sinabi ng mambabatas na sa ngayon lubhang vulnerable sa posibleng paghihiganti ang mga testigong gaya nina Ret. PCol. Royina Garma at self-confessed drug lord Kerwin Espinosa at kanilang mga mahal sa buhay, dahil sa mga sinumpaang salaysay laban sa matataas at maimpluwensiyang mga tao.
Saad pa ng kongresista na dapat protektahan ng kaukulang mga ahensiya ang resource persons o key witness na nagbigay ng testimonial evidence sa komite na naglantad sa mga ito at sa kanilang pamilya sa labis na kapahamakan.
Matatandaan, nauna ng tumestigo si Garma sa QuadComm kung saan isiniwalat niya ang pagpapatupad ng Duterte administration ng Davao model sa national level sa kampaniya kontra ilegal na droga kung saan binibigyan ng pabuyang pera ang mga pulis na nakakapatay sa mga drug suspect.
Habang inamin naman ni Espinosa sa komite na pinilit lamang siya ni dating PNP chief Ronald Dela Rosa para idiin si dating Sen. Leila De Lima sa drug trafficking.