-- Advertisements --

Naglabas ng show cause order ang  House committee on public accounts na nag-aatas sa ilang opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na ipaliwanag ang hindi nila pagsipot sa pagdinig ng komite kaugnay sa  mga umano’y iregularidad sa paggamit ng local government support fund (LGSF) ng rehiyon.

Ang panel, na pinamumunuan ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, ay nagpasya na mag-isyu ng show cause order sa mga opisyal ng BARMM sa pangunguna ni regional parliament Speaker Pangalian Balindong, isang dating House deputy speaker, matapos makitang “hindi katanggap-tanggap ang kanilang excuse letters.”

Kinakailangan din magpaliwanag si Cotabato City Mayor Mohammad Ali Matabalao sa hindi nito pagsipot.

Ang show cause order ay inilabas matapos mag mosyon na sina Rep. Keith Flores ng Bukidnon at Romeo Acop ng Antipolo City.

Sa mga liham na ipinadala sa komite, si Balindong at ang kanyang mga kasamahan sa BARMM ay naglabas ng katulad na argumento at pinili na hindi humarap sa unang pagdinig ng komite kaugnay sa diumano’y mga iregularidad ng LGSF sa BARMM dahil mayruon ng isinasagawang imbestigasyon ukol dito.

Hindi tinanggap ng komite ang argumento, ayon kay Rep. Flores may karapatan ang Kamara na gumamit ng kapangyarihan sa pangangasiwa sa paggamit ng pampublikong pondo sa anumang lugar sa bansa.

Iniulat ni Hedjarah Mangompia-Said ng BARMM Commission on Audit office sa komite na nasa kabuuang P6.4 billion na LGSF funds ang na release sa loob ng anim na buwan mula August 2024 hanggang nuong nakaraang buwan.

Sa isang privilege speech, sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang BARMM office of the chief minister nag labas ng LGSF funds na nagkakahalaga ng   P500,000 hanggang P2.5 million sa ilang mga  barangay kahit walang request mula sa mga barangay officials.

Batay sa ulat mula sa mga local officials na bilyong halaga na ang nai-released.