-- Advertisements --

Binigyan ng isang linggo ng House Committee on Legislative Franchises ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na isumite ang shareholder agreement kasunod ng isyu na may malaking impluwensiya ang China sa pag-aari ng kumpanya na siyang nag-ooperate ng power grid.

Inaprubahan ni Panel chairman at Parañaque City 2nd District Rep. Gus Tambunting, ang mosyon ni House Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-Jay” Suarez na maglabas ng subpoena duces tecum para pilitin ang NGCP na iproduce ang dokuments.

Paliwanag ni Suarez, dahilan kung bakit mahalaga sa komite ang nasabing dokumento ay para matukoy kung sino talaga ang nagko kontrol ng NGCP.

Ang isang shareholder agreement ay nagbabalangkas sa mga karapatan at obligasyon ng mga shareholder, ang pagpapalabas ng mga pagbabahagi, pagpapatakbo ng negosyo, at mga proseso ng paggawa ng desisyon.

Ginawa ang mosyon matapos ituro ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na ang NGCP ay hindi nagsumite ng kopya ng shareholder agreement, na hiniling ni Suarez sa huling pagdinig ng komite na ginanap noong Disyembre 23.

Inilarawan ni Barbers ang kasunduan sa shareholder bilang isang napakaimportanteng piraso ng dokumento na makakapagbigay-alam sa katawan na ito kung anong mga aksyong pambatas ang maaari nating gawin pagkatapos ng pagdinig ng komite.

Ipinaliwanag naman ng NGCP official na si Lally Mallari na ang shareholder agreement ay hiniling din ng Senate Committee on Energy subalit hindi ito binigyan ng kopya dahil protektado ito ng confidentiality sa ilalim ng Section 23 of Republic Act 9285, or the Alternative Dispute Resolution Law.

Dagdag pa ni Mallari na ang nasabing kasunduan ay bahagi ng nagpapatuloy na arbitration case sa Singapore na kinasangkutan ng NGCP, Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), at ang National Transmission Corporation (TransCo).

Pinaalalahan ni Tambunting ang NGCP na sa ilalim ng Section 1, Paragraph 2 of the Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation ng 19th Congress nakasaad dito na hindi mapipigilan ang Kamara na humingi ng dokumento lalo at ang imbestigasyon ay in aid of legislation.

Batay sa regulatory disclosures, ang NGCP ay 60% Filipino-owned sa pamamagitan ng Synergy Grid of the Philippines (SGP), habang ang SGCC ay hawak ang 40% ownership.

Dahil sa kasalukuyang ownership structure ng NGCP nagbabala ang mga mambabatas sa foreign entities partikular mula sa China na posibleng may impluwensiya at malagpasan ang constitutional limit na 40% ownership.

Ang NGCP Board ay pinamumunuan ni Zhu Guangchao (Chinese), Vice Chairmen Robert Coyiuto Jr. (Filipino) at Henry Sy Jr. (Filipino), habang ang mga directors na sina Jose Pardo (Filipino), Francis Chua (Chinese), Shan Shewu (Chinese), Liu Ming (Chinese), Liu Xinhua (Chinese), at Paul Sagayo Jr. (Filipino).