-- Advertisements --
CDO CONG RUFUS RODRIGUEZ
Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez

CAGAYAN DE ORO CITY – Nanindigan si Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na kailangang mapanagot ang lahat ng may kinalaman sa pagkamatay ni PMA Cadet 4th Class Darwin Dormitorio sa loob ng akademya.

Isasagawa ng mga kongresista ngayong araw ang imbestigasyon upang malaman ang lahat ng sangkot sa pagkamatay ng 20-anyos na kadete.

Ayon kay Rodriguez kasama sa kanilang iimbestigahan ang ilang PMA officials na bigo sa pagpapatupad ng anti-hazing law kung kaya’t nagpapatuloy pa rin ang iligal na pananakit sa mga kadete.

Tiniyak ng mambabatas sa pamilyang Dormitorio na makakamtan nila ang hustisya sa pagkamatay ng kanilang anak.

Samantala siniguro rin naman ni Philippine Military Academy (PMA) spokesperson Major Reynan Afan na walang mangyayaring whitewash sa imbestigasyon.

Una rito tatlong kadete ang tinukoy na suspek umano sa pagkamatay ni Dormitorio na mahaharap sa patung-patong na kaso.

Ayon kay Baguio City police chief, Col. Allen Rae Co, patung-patong na kaso ang kakaharapin ng mga suspek.

Inihahanda na rin sa ngayon ng PMA ang pagsasampa ng administrative case laban sa mga kadeteng sangkot sa hazing.