-- Advertisements --

Plano ng House prosecution team na ipa-subpoena ang bank records ni VP Sara Duterte sa nakaambang impeachment trial ng Bise Presidente sa Senado.

Ito ay kasunod ng pronouncement ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso na magco-convene ito bilang impeachment court sa Hunyo 2.

Sa press conference ngayong Lunes, Pebrero 10, sinabi ni Manila 3rd district Rep. Joel Chua at miyembro ng House prosecution panel na hihilingin nila ito sa impeachment court para mapatibay pa ang mga ebidensiya sa isyu ng Statement of assets and net worth (SALN) ng Ikalawang Pangulo.

Matatandaan mula sa 7 articles of impeachment laban kay VP Sara, tinukoy sa 4th article ang hindi maipaliwanag na yaman at kabiguang i-disclose ang lahat ng kaniyang properties sa kaniyang SALN na paglabag aniya sa Konstitusyon at betrayal of public trust.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng mambabatas na sa ilalim ng Bank Secrecy Law may exceptions sa impeachment cases pagdating sa disclosure o inquiry sa bank records.

Sinabi din ni Chua na gagamitin nila ang lahat ng legal na paraan para makakuha ng mga kaukulang dokumento bilang karagdagan sa kasalukuyang hawak na ebidensiya na susuporta sa posibleng trial.

Nauna ng sinabi ni Chua sa isang pulong balitaan noong Sabado na ang 4th article of impeachment laban kay VP Sara ay base sa isiniwalat ni dating Senator Sonny Trillanes.

Kung saan maaalala, sa isa sa pagdinig ng House Quad Committee noong Nobiyembre ng nakalipas na taon, inakusahan ni Trillanes si dating Pangulong Rodrigo Duterte at kaniyang pamilya na nakatanggap umano ng P2.4 billion bank deposits.