Kumpiyansa ang isang miyembro ng 11-man House prosecution panel na hindi makiki-alam ang Korte Suprema sa isasagawang pagdinig ng Senado sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Lorenz Defensor ang pahayag matapos lumabas sa mga balita na naghain ng petisyon si Duterte sa Korte Suprema upang pigilan ang Senado na magsagawa ng impeachment trial.
Noong Pebrero 5 ay inimpeach ng Kamara de Representantes si Duterte.
Ang impeachment complaint ay nilagdaan ng 215 kongresista, mahigit doble ng kinakailangang 103 upang agad itong maipadala sa Senado para sa pagsasagawa ng pagdinig.
Lumalawak ang panawagan sa Senado na simulan na ang impeachment trial bagamat nauna ng sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na maaaring magsimula ang aktwal na impeachment trial pagkatapos ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo.
Bukod sa Bise Presidente, naghain din ng petisyon ang ilang abugado mula sa Mindanao na kilalang malapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte upang harangin din ang pagsasagawa ng impeachment trial.
Mayroon ding naghain ng petisyon sa Korte Suprema na humihiling naman na atasan nito ang Senado na simulan na ang impeachment trial.