Inaprubahan ng House quad committee ang 30 araw na pagkulong kay Katherine Cassandra Li Ong sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City matapos siyang muling ma-cite in contempt dahil sa hindi pagbigay ng mga impormasyong hinihingi sa kanya.
Si Ong, na kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng Kamara ay ililipat sa CIW matapos ang unang 30-araw na pagkakakulong sa kanya bilang parusa sa unang contempt na ipinataw sa kanya. Magtatapos ang unang parusa nito sa Setyembre 26.
Ang CIW ay ang tanging kulungan sa bansa na ekslusibo para sa kababaihan na pinal ng nahatulan ng korte, katulad ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City para naman sa kalalakihan.
Si Ong ay iniuugnay sa POGO hub sa Porac, Pampanga na nauna ng sinalakay ng mga awtoridad dahil iligal ang operasyon nito.
Kinuwestyon ni Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano, isa sa co-chair of the Quad Committee, ang pahayag ni Ong na pumasok siya sa Alternative Learning System (ALS) noong 2016 o 2017. Hindi umano niya ito natapos at ang litrato umano niya na nakasuot ng toga ay pang-picture lang.
Sa kainitan ng palitan ng mga pahayag, ipinahayag ni Paduano ang kanyang pagkadismaya sa pagkabigo ni Ong na direktang sagutin ang mga tanong sa kanya na karaniwang alam ng isang indibidwal.
Ayon kay Ong, hindi niya maalala ang pangalan ng public school kung saan siya pumasok sa ilalim ng ALS.
Hindi kumbinsido si Paduano sa paliwanag ni Ong. “Kahit sinong tanungin mo dito, alam nila kung saan sila nag-elementary, saan sila nag-high school.”
Gayundin si Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop na nagsabing, “Ako ang matanda na pero alam ko pa rin kung saan ako nag-graduate ng elementary school. Tapos ikaw, batang bata ka pa, hindi mo alam kung saan ka nagtapos. Anak ng tinapay naman.”
Naghihinala din si Paduano sa hindi pagsasabi ni Ong ng mga detalye,“Pwede ba ‘yan na hindi mo alam kung saang school ka na-enroll for the ALS? O, baka hindi ka nag-ALS. Baka sa ibang bansa ka nag-aral,” saad nito.
Dahil dito, hiniling ni Paduano sa i-cite for contempt si Ong, sa ikalawang pagkakataon, na sinegundahan naman ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ang overall chair ng Quad Committee, at walang tumutol sa mosyon.
Inihain naman ni Acop ang mosyon na ilipat si Ong sa CIW kung puno na ang detention facility sa Kamara.
“Since Ms. Cassandra Ong was already cited in contempt, may I move that she be detained sa Correctional Institution for Women,” ayon kay Acop.
Ang mosyon ay inaprubahan at walang pagtutol mula sa komite.
Pinaigting ng House Quad Committee ang kanilang imbestigasyon sa mga ilegal na operasyon ng POGO at ang koneksyon nito sa iba’t ibang iligal na gawain, kabilang ang money laundering, human trafficking, at drug smuggling.
Ang testimonya ni Ong, ay naging sentro ng imbestigasyon habang patuloy na sinisiyasat ng mga mambabatas sa Kamara ang lawak ng kanyang kaugnayan sa Lucky South 99, ang POGO hub sa Porac na po ni-raid ng mga awtoridad noong Hunyo.
Si Ong, ay una ng na-cite in contempt dahil sa ilang beaea na hindi pagdalo sa imbestigasyon ng komite sa mga iligal na aktibidad na iniuugnay sa POGO.
Naaresto si Ong noong Agosto 23 sa Jakarta, Indonesia kasama si Shiela Guo, ang kapatid ng nasibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, na umano’y sangkot din sa mga ilegal na operasyon ng POGO sa kaniyang bayan.
Ang dalawa ay agad na dineport pabalik ng Pilipinas. Si Ong ay dinala sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) at kalaunan ay inilipat sa Kamara.