Tiniyak ng House Quad Committee na patuloy nilang isusulong ang hustisya para sa mga biktima ng madugong drug war ng Duterte administration.
Ang pahayag ay kasunod sa paggunita ng All Souls’ Day sa bansa kahapon, November 2,2024.
“As we remember our departed loved ones on All Souls’ Day, we are reminded of the countless Filipino families who grieve the loss of loved ones taken too soon. Our commitment to justice is unwavering,” pahayag ni Sta Rosa,Laguna Rep. Dan Fernandez, co-chair ng Quad Comm at chairman ng House Committee on Public Order and Safety.
Bukod sa Committee Public Order and Safety, kasama sa Quad Comm ang Committees on Dangerous Drugs, Human Rights, at Public Accounts. Mandato nito na imbestigahan ang extrajudicial killings, kalakalan ng iligal na droga, operasyon ng iligal na Philippine offshore gaming operators (POGO) at paglabag sa karapatang pantao sa pagpapatupad ng Duterte drug war.
Batay sa datos ng gobyerno mahigit 6,000 ang namatay sa operasyon ng mga pulis mula 2016 hanggang 2021 pero malayo ito sa mahigit 27,000 hanggang 30,000 na mga kaso ng EJK, ayon sa mga human rights advocates at organization.
Sa pagdinig ng Quad Comm, kinumpirma ni retired P/Col. Royina Garma na mayroong natatanggap na reward ang mga pulis sa mga napapatay nilang drug suspect na nagkakahalaga ng P20,000 hanggang P1 milyon. Kinumpirma rin nito ang Davao Death Squad, isang organisasyon na nasa likod umano ng mga pagpatay sa mga drug suspect na nag-operate noong si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang alkalde ng lungsod.
Sa testimonya naman ni dating Sen. Leila de Lima ang reward system sa Davao City ay ipinatupad ni Duterte sa buong bansa noong ito ay maging Pangulo.
Ito umano ang dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao at extrajudicial killings.
“The road to justice may be challenging, but the Quad Comm remains resolute in its duty. Our work is far from over, and we will not rest until we have brought the truth to light,” saad pa nito.
Dagdag pa ni Fernandez, “This is about more than just accountability, it is about restoring faith in our institutions and ensuring that no Filipino, regardless of their social or economic status, is ever denied justice.”