Dapat ituon ng House Quad Committee ang kanilang lakas sa pag-iimbestiga sa paglaganap ng krimen sa bansa, sa halip na ikulong ang mga dati at kasalukuyang opisyal na naglilingkod sa bansa, ayon kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Tugon ito ni dela Rosa matapos bisitahin ang burol ni Reynaldo Bigno Jr. na binaril ng isang pulis na umano’y nasa impluwensya ng droga sa loob ng pampasaherong bus sa Makilala, Cotabato.
Giit ng senador, ang pagdami ng mga kriminal ang dapat na sinisilip ng QuadComm, hindi ang mga pulis na nagtatrabaho nang maayos. Binanggit nito si Gen. Wilkins Villanueva na pinatawan ng citation for contempt.
Para sa dating PNP chief, hindi na sumusunod sa awtoridad ang mga kriminal dahil iniimbestigahan na sila ng House QuadComm sa kanilang mga imbestigasyon.
“Kaya mas lalong lumakas loob ng mga kriminal, lumakas ang loob ng mga drug pusher, ng mga drug lord dahil wala na silang kinakatakutan. Hindi na sila natatakot sa mga awtoridad dahil ‘yung awtoridad, iniipit nila sa Quadcom,” ani dela Rosa.
“So ngayon dumami na naman ang adik, matapang na naman ‘yung mga pusher, matapang na naman ‘yung mga drug lord, carnapper,” dagdag ng senador.
Pinangunahan ni Dela Rosa ang war on drugs noonng administrasyong Duterte bilang siya ang PNP chief noong 2016.
Binigyang-diin ng senador ang pangangailangang ipagpatuloy ang kampanya laban sa iligal na droga pagkatapos ng termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa gitna na rin aniya ng paglaganap ng iligal na droga dahilan ng paglaganap ng mga krimen sa bansa.