Duda ang isa sa mga miyembro ng House Quad Committee na si 1-Rider party-list Representative Rodge Gutierrez na makakatulong ang naarestong con artist/scam suspect na si Mary Ann Maslog sa imbestigasyon sa mga krimeng may kinalaman sa POGO at kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon sa mambabatas, duda siya na mayroong anumang nalalaman si Maslog sa POGOs.
Ginawa ng mambabatas ang naturang pahayag, kasunod ng pagdinig sa Senado noong Martes kung saan inamin ni Maslog na tinap umano siya ng Philippine National Police Intelligence Group para makausap si Alice Guo para sumuko noong nagtatago siya sa Indonesia, bagay na itinanggi naman ng PNP.
Inihayag naman ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na may nakarating sa kaniyang impormasyon na tinap si Maslog ng Malacañang para i-link o idawit siya kasama sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Sen. Bong Go at PMaj. Gen. Romeo Caramat Jr. sa POGO-related crimes at kay Alice Guo.
Subalit tanong ni Cong. Guttierez, sakali man na walang kaugnayan ang nabanggit na mga personalidad, bakit naman itatap o hihingin ang tulong ni Maslog.
Binanggit din ni Guttierez ang nakaraan ni Maslog kung saan nasangkot siya sa textbook scam noong 1998 na ibinasura ng Sandiganbayan matapos ipaalam sa korte na namatay na ito noong 2019.
Subalit noon lamang Setyembre 25, naaresto ng NBI si Maslog na natukoy sa pamamagitan ng pagberipika sa kaniyang fingerprints.
Samantala, sinabi ni Guttierez na malugod na tinatanggap ng QuadComm ang pagpapahayag ni dating Pang. Duterte na handa siyang humarap sa pagdinig ng komite at tiniyak na tanging mga educated questions ang tatanungin sa dating Pangulo.
Sinabi din ng mambabatas na napakaaga pa para pagdudahan ang sinseridad ng dating Pangulo na dumalo sa mga pagdinig ng QuadComm.
Nakatakda ngang ipagpatuloy ng komite ang kanilang pagdinig kaugnay sa imbestigasyon ng POGO bukas, araw ng Biyernes, Oktubre 11.