Mga kongresista mula sa partidong PDP-Laban, sa pangunguna ni Rep. Ronnie Zamora, Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II, Rep. Abraham Tolentino at Rep. Dan Fernandez, ay nagsama-sama upang ihayag ang kanilang buong suporta sa pagka-Speaker ni Taguig-Pateros Congressman Alan Peter Cayetano.
Sa kasagsagan ng init sa karera sa bagong House speaker, nagkaisa ang mga mambabatas sa PDP-Laban upang isulong umano ang pagka-speaker ni Cayetano kahit pa siya ay mula sa Nacionalista Party.
Ayon kay Rep. Zamora (Lone District of San Juan), nagdesisyon siyang suportahan si Cayetano dahil alam niyang siya ang pinaka-kwalipikadong tumayo bilang speaker kumpara sa ibang mambabatas na nagnanais na mamuno sa House.
Sinabi naman ni Rep. Gonzales (Lone District of Mandaluyong) na ang kailangan sa Kamara ay hindi lamang malapit sa presidente kundi meron din itong kakayanang mamuno, bukod pa sa magandang track record sa serbisyo publiko.
Dagdag naman ni Rep. Tolentino (7th District, Cavite) at Rep. Dan Fernandez (1st District, Laguna), naghayag na ng suporta ang karamihan ng PDP-Laban solon para kay Cayetano dahil nais nila na ang mamuno sa Kamara ay taong mapagkakatiwalaan.
“Leading more than 250 independent-minded solons is not an easy task, it entails experience and competence,†wika ni Tolentino.
Marami ring miyembro ng PDP-laban sa House ang nadismaya sa lantarang pagbili ng boto ng ibang nagnanais na maging speaker, nangyari umano ito ilang linggo pa lang ang nakalipas.
Mas pinili nila na suportahan si Cayetano dahil naniniwala sila sa prinsipyo, integridad na isinusulong ni Cayetano, kaya naman malaki ang tyansa niya sa speakership race kahit hindi siya miyembro ng partido ng presidente, saad naman ni Fernandez.
Naniniwala ang mga kongresista na madadala ni Cayetano sa mas maayos na kalagayan ang legislative agenda ng Pangulo dahil parehong naka-linya sa iisang direksyon ang kanilang pananaw patungo sa maayos at komportableng buhay ng Pilipino.
Magugunita na sinabi ni Sen. Manny Pacquiao, na tumayong campaign manager ng PDP-Laban noong nakaraang eleksyon, na handang suportahan ng PDP-Laban ang napipisil nilang kandidato sa pagka-speaker kahit na hindi ito kasapi ng partido basta suportado ng presidente.