-- Advertisements --
romualdez

Nangako si House Speaker Martin Romualdez na tataasan ang alokasyong pondo para sa defense sector sa gitna ng patuloy na panghaharass sa mga barko ng PH sa West Philippine Sea.

Sinabi ng House leader na parte ito ng polisiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para protektahan ang mga barko ng bansa sa WPS sa gitna ng napaulat na patuloy na panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino kabilang ang panibagong insidente ng pambobomba ng tubig ng China Coast Guard sa resupply boats ng bansa sa Ayungin shoal kahapon, Nobyembre 10.

Ginawa ng House Speaker ang pahayag sa ginanap na Defense Forum na inorganisa ng National Defense College of the Philippines Alumni Association Inc. sa Camp Aguinaldo sa lungsod ng Quezon.

Dito, nangako din ang opisyal sa pagpapalakas ng mga panukalang batas bilang suporta sa pambansang seguridad.

Iginiit din nito na ang tinuran ni PBBM na ipagpapatuloy ang pagkamit sa ating soberanya sa WPS at dapat depensahan ang bawat pulgada ng ating teritoryo.

Sa ilalim ng panukalang pondo para sa susunod na taon, ang alokasyon para sa defense sector ay nasa P282.7 billion o 21.6% na mas mataas kumpara sa alokasyong P203.4 billion pondo para ngayong taon.