-- Advertisements --

VIGAN CITY – Bukas na umano ang liderato ng PDP-Laban sa mungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng term-sharing sa pagitan nina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano.

Ito ay sa kabila ng umiinit na isyu hinggil sa house speakership race dahil nadagdagan na naman ang kongresista na gustong maging house speaker sa katauhan ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni PDP-Laban President Sen. Koko Pimentel na hihikayatin umano nila si Velasco na pumayag na sa term-sharing na iminungkahi ni Pangulong Duterte nang sa gayon ay matapos na ang usapin sa house speakership at hindi na magkagulo sa Kamara.

Ito ay may kaugnayan sa nauna nang sinabi ng pangulo sa isang panayam na umayaw umano ang nasabing kongresista sa iminungkahi nito kaya mas lalong gumulo ang nasabing isyu.

Sa ngayon, tiniyak ni Pimentel na gagawin umano nila ang lahat ng kanilang makakaya upang masunod ang term-sharing sa pagitan ng dalawang nasabing kongresista.

Sa nasabing term-sharing, mauunang maupong house speaker si Cayetano sa loob ng 15 buwan at pagkatapos nito ay si Velasco naman ang uupo bilang lider ng Kamara sa natitirang 21 buwan ng 18th Congress.