Nanindigan ang kampo ni Speaker Alan Peter Cayetano na ligal ang second reading approval ng P4.5-trillion proposed 2021 national budget na nagresulta sa suspensyon ng plenary session ng Kamara hanggang Nobyembre 16.
Sa isang virtual press briefing, pinabulaanan nina Deputy Speakers Neptali “Boyet” Gonzales II, Lray Villafuerte at Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang alegasyon ng ilang kongresita na paglabag sa Saligang Batas ang naging proseso sa plenaryo nitong nakalipas na Martes.
Sinabi ni Gonzales na para maipasa ang isang batas, sinasabi ng Konstitusyon na ang pagbasa rito ay dapat na isagawa sa magkakahiwalay na araw maliban na lamang kung sinertipikahang urgent ng Pangulo ng bansa.
Nakasaad din aniya sa House rules, partikular na sa Section 55, ang pinagbatayan ni Cayetano para sa mabilis na pagapruba sa panukalang pambansang pondo sa susunod na taon.
Ayon naman kay Defensor, tradisyon na ng Kamara ang bumuo ng small group committee na tatanggap ng mga amiyendang isusumite ng mga kongresista patungkol sa budget.
Ginagawa aniya ito upang sa gayon ay hindi naman tumagal ang proseso sa pag-apruba ng panukalang pondo.
Iginiit naman ni Villafuerte na noong nagkaroon ng COVID-19 case sa Senado ay hindi na rin naman nagpaalam sa Kamara ang mataas na kapulungan para sa suspension ng kanilang plenary session.
Kaugnay nito, tinitiyak ni Majority Leader Martin Romualdez kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Senado na ang proposed budget na kanilang inaprubahan sa ikalawang pagbasa ay makakatugon sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa kabilang banda, binigyan diin ni Gonzales na hindi maaring magsagawa ng kanilang sariling sesyon ang kampo ni Rep. Velasco sa Oktubre 14 taliwas sa sinabi ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza.
Binigyan diin ni Gonzales na sa Nobyembre 16 pa sila babalik sa sesyon at nakasaad hindi lamang sa kanilang rules kundi maging sa Saligang Batas na sa plenary lamang maaring magpulong para maghalal ng anumang posisyon sa Kamara.