-- Advertisements --

Suportado ni House Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda ang pagbili ng Philippine Air Force (PAF) ng F-16 fighter jets na makakatulong sa pag depensa sa teritoryo ng bansa.

Ayon kay Salceda, ang F-16 ay kapwa mayruong defensive and offensive capabilities na maaring ilunsad sa loob ng ilang minuto at may kakayahang i-shoot down ang paparating na missiles at aircraft ng kalaban.

Ang isang F-16 fighter jet ay nagkakahalaga ng P3-billion.

Sabi ni Salceda malaking tulong ito para pigilan ang anumang pananakop dahil maaari nitong hadlangan ang mga kalaban.

Ipinunto ni Salceda na ang US ay nagbigay na ng space para makabili ang Pilipinas ng 12 bagong F-16 fighter jets.

Sa kabilang dako, inihayag ni Salceda  na malaking tulong ang isinasagawang training exercises sa pagitan ng United States at Pilipinas gamit ang mga air assets ng Amerika, na lalong magpapalakas sa air defense capabilities ng bansa bilang bahagi ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Gayunpaman sinabi ni Salceda dapat makipag ugnayan ang Department of National Defense sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng sa gayon hindi magkaroon ng misunderstanding hinggil sa presensiya ng mga US aircraft na pumapasok sa airspace ng bansa.

Ayon sa mambabatas  ang mga nasabing US aircrafts ay bahagi ng air exercise na tinawag na Cope Thunder.

Ginawa ni Salceda ang pahayag kasunod ng panawagan ng ilang mambabatas na dapat imonitor ng Pilipinas ang mga US aircraft na pumapasok sa airspace ng bansa na maihahalintulad sa ginawang  paglusob ng mga Chinese vessels sa West Philippine Sea.

Naniniwala si Salceda na malaking advantage para sa Pilipinas ang nasabing joint air exercise kung saan nahahasa din ang mga Pilipinong piloto lalo na sa pagpapalipad ng F-16 fighter jet.