-- Advertisements --
image 491

Tiniyak ni Ways and Means Committee Chair Joey Salceda na walang benepisyong mababawas o mawawala sa mga military and uniformed personnel sa panukalang MUP pension.

Dagdag pa nito na batay sa kanilang nauna nang mga pagaaral hindi aabutin ng P9 trillion mahigit ang pondong kailangan para dito.

Inihayag ni Salceda na maaari nilang resolbahin ang naturang isyu sa pamamagitan ng pagsusulong ng five percent cap sa taunang salary increases ng MUPs na kung saan magpapababa sa hindi pa napopondohanh mga pension payout mula P9.7 trillion hanggang P3.6 trillion.

Paliwanag ni Salceda, ang projection na tataas ito ng 12.7% kada taon sa loob ng tatlumpung taon ay hindi naman nangyari sa nakalipas na limang taon, kaya’t hiling niya sa Department of Finance (DOF) na magkaroon ng re-calculation.

Sa kasalukuyan, batay sa panukala na binubuo sa Kamara, hindi magtataas ng sweldo ang active MUP ng higit sa 5%, mananatili rin aniya ang indexation gayundin ang 20 year-service o 56-years old optional retirement.

Sinabi ni Salceda na ilang mga nakaraang presidente ang nagtaas ng sahod ng mga MUP ng higit sa 10 porsyento, na nangangahulugan na ang kanilang mga pensyon ay magiging mas mataas sa kalaunan dahil ang mga pensyon ay nakabatay sa huling suweldo ng mga opisyal.

Siniguro naman ni House Speaker Martin Romualdez na nahanapan na ng solusyon ng Appropriations at Ways and Means Committee ang ilan sa isyu sa ipinapanukalang Military and Uniformed Personnel pension reform.

Aniya, magkatuwang sina Appropriations Committee Chair Zaldy Co, Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, House Committee o Economic Affairs at think tank ng Kamara sa paglatag ng panukala.