Nanawagan ang House Tri-Committee ng giyera kontra fake news, kasunod ng lumalalang pagkalat ng mga maling impormasyon sa social media.
Dahil dito, pinaigting ng House Tri-Comm ang imbestigasyon laban a fake news at disinformation.
Nagbabala din ang Komite sa publiko na ang patuloy na paglaganap ng fake news ay banta sa demokrasya, pambansang seguridad, at tiwala ng mamamayan.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Johnny Pimentel, isa sa mga co-chair ng Tri-Comm, napapanahon na upang harapin ang naturang suliranin.
Ang imbestigasyon ay isinagawa kasunod ng privilege speech ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, na nagpahayag ng pangamba sa pamamayagpag ng fake news sa social media at ang posibleng panganib nito sa public order at national security.
Binigyang-diin ni Pimentel na kinakailangang suriin kung paano kumakalat ang fake news sa internet.
Samantala, tinukoy rin ni Agusan del Norte Rep. Jose ‘Joboy’ Aquino, co-chair ng Tri-Comm, ang lawak ng problema.
Ayon kay Aquino, sa mga nakaraang pagdinig ay lumutang kung paano sistematikong nililikha at ikinakalat ang fake news.
Pinag-aralan din sa pagdinig ang papel ng social media platforms, independent fact-checkers, at influencers sa pagpapakalat ng impormasyon.
Binigyang-diin ng mga mambabatas ang kahalagahan ng regulasyon upang pigilan ang mabilis na pagkalat ng maling impormasyon.
Nanawagan naman si Aquino sa mga mambabatas at iba pang sektor na maging aktibo sa paglaban sa disinformation at makiisa sa mga talakayan at tumulong upang matugunan ang isyu ng pagkalat ng maling impormasyon.