Mariing pinasinungalingan ng ilan sa miyembro ng Young Guns ng Kamara na may kinalaman sila sa sinasabing paghahain ng 4th impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.
May lumabas kasing impormasyon na may maghahain ngayong araw ng ika apat na impeachment complaint laban sa bise presidente kung saan ieendroso ito ng ilang mambabatas na kabilang sa majority bloc.
Ayon kay Zambales Rep. Jay Khonghun walang pagkilos sa panig ng Young Guns para sa panibagong impeachment complaint.
Wala ring impormasyon tungkol dito si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong. Sabi niya, wala siyang ideya ukol dito dahil abala rin siya matapos namayapa ang kaniyang ina.
Sabi naman ni Tingog party-list Rep. Jude Acidre, kararating lang niya ng Pilipinas at wala siyang nakuhang anomang balita tungkol sa paghahain ng reklamo.
Maging si 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez na miyembro ng Young Guns at bahagi ng minorya ay wala rin nalalaman tungkol sa sinasabing ika apat na impeachment complaint.
Giit pa nito na hindi niya pa nakikita ang naunang tatlong reklamo na inihain laban sa bise presidente.
Una ng inihayag ni House Secretary General Reginald Velasco na may maghahain ng impeachment complaint kung saan pangungunahan ito ng nasa 10 hanggang 12 mambababatas mula sa majority at minority.