Binatikos ng mga lider ng “Young Guns” ng House of Representatives ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na ginagamit umano sa kanya ang gobyerno ang “Arnie Teves playbook.”
Giit ng mga kongresista, isa itong panibagong “budol” at desperadong taktika upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga mabibigat na alegasyon sa kanya gaya ng umano’y iregularidad sa oaggamit ng kanyang P612.5 milyong confidential funds.
Ikinumpara ni Duterte ang kanyang kalagayan kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na idineklarang terorista ng Anti-Terrorism Council. Ayon sa kanya, may ilang opisyal na umano’y gumagamit ng parehong taktika upang i-freeze ang kanyang mga ari-arian at mga yaman.
Pinabulaanan ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ang pahayag ni Duterte, at sinabing ang mga problemang kinakaharap ng Ikalawang Pangulo ay bunga ng kanyang mga ginawa.
Iginiit ni Khonghun na ang justice system na ang magpapasya sa pananagutan ni Duterte.
Diretsahang ding sinabi ni Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V na walang ibang dapat sisihin si Duterte sa mga nangyayari sa kanya kundi ang kanyang sarli.
“Hindi ito playbook ng ibang tao. Playbook nya ito. Kasi sya lang po ang nagtangkang gumawa na tangkain na patayin ang ating Pangulo, ang First Lady, at ating Speaker,” giit ni Ortega.
Ang tinutukoy ni Ortega na ipinapapatay ni Duterte ay sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Hamon ni Khonghun kay Duterte, akuin ang pananagutan sa kanyang mga ginagawa at huwag iwasan ang mga isyung kinahaharap nito.