-- Advertisements --

Matapos isugod sa ospital dahil sa isang intestinal virus, makakalabas na umano ng pagamutan si Houston Rockets coach Mike D’Antoni.

Batay sa ulat, sa Martes (Miyerkules, oras sa Pilipinas) inaasahang makakauwi na si D’Antoni makaraang manatili sa Memorial-Hermann Hospital sa Houston ng tatlong araw.

Gayunman, hindi pa rin ito makakapagtrabaho sa ikatlong sunod na pagkakataon sa huling regular season game ng Rockets sa Oklahoma City.

Kahit pansamantalang humalili kay D’Antoni si associate head coach Jeff Bzdelik, nagtagumpay pa rin ang Rockets sa kanilang mga home games kontra sa New York Knicks at Phoenix Suns.

“We’re lucky we have some amazing assistant coaches and mature, vet players on this roster and in this organization to where guys know what we need to do,” wika ni Houston star James Harden.