Inako ng Houthi rebels ng Yemen ang nangyaring drone strike sa Tel Aviv.
Ayon sa Iranian proxy group na ang nasabing atake ay bilang kasagutan sa giyera ng Israel laban sa mga Hamas na nasa Gaza.
Ang nangyaring drone attack sa central district ng Israel ay nagresulta sa pagkasawi ng 50-anyos na lalaki at ikinasugat ng 10 iba pa.
Ipinagmalaki pa ni Houthi spokesperson Yahya Sare’e na ang military operation ay matagumpay nilang isinagawa sa pamamagitan ng pag-bypass ng interception systems ng mga kalaban.
Giit nito na hindi sila hihinto sa drone attack para mabigyan ng hustisya ang mga nasawing kasamahan nilang mga Hamas.
Sinabi ni Israel Defense Forces (IDF) spokesman Daniel Hagari na hinala nila ang isang Iranian-made Samad-3 model ang drone na galing sa Yemen.
Agad din nilang naharang ang isa pang drone sa labas ng teritoryo ng Israel.
Dahil sa insidente ay pinaigting na nila ang aerial patrols sa kanilang borders.