-- Advertisements --

Inako ngayon ng mga rebeldeng Houthi sa Yemen ang responsibilidad sa drone attack sa mahahalagang mga oil facilities ng Saudi Arabia.

Bago ito, lubhang nagambala ng nasabing pag-atake ang oil production ng Saudi, na sinasabing dahilan kaya nabawasan ng 5-milyong bariles ang produksyon kada araw, na katumbas din ng halos kalahati ng kapasidad ng bansa.

Ibig sabihin, apektado ang 5% ng oil production sa buong mundo.

Ayon sa isang Houthi rebel spokesman, nagpadala raw sila ng 10 drone para sa nasabing pagsalakay, na pinuntirya ang mga pasilidad ng Aramco firm sa Abqaiq at Khurais.

“We promise the Saudi regime that the next operation will be wider and more painful if the blockade and aggression continues,” dagdag nito.

Sa pahayag naman mula sa Saudi interior ministry, kontrolado na raw ang sunog at kasalukuyan nilang iniimbestigahan ang pangyayari.

Umaasa rin ang Aramco na maibabalik sa normal ang operasyon sa mga pasilidad sa loob ng ilang araw.

Agad namang itinuro ni US Secretary of State Mike Pompeo ang Iran na nasa likod ng insidente dahil sa wala raw ebidensyang magtuturo na pakana ito ng Yemen.

Sa isang tweet, sinabi ni Pompeo na ang nasabing pag-atake ay isang “unprecedented attack” sa energy supply ng buong mundo.

“We call on all nations to publicly and unequivocally condemn Iran’s attacks,” dagdag ni Pompeo.

Nag-alok na rin ng suporta si US President Donald Trump para sa self-defense ng Saudi, base sa pahayag ni White House Deputy Press Secretary Judd Deere.

“The United States strongly condemns today’s attack on critical energy infrastructure,” ani Deere. “Violent actions against civilian areas and infrastructure vital to the global economy only deepen conflict and mistrust.” (CNN/ BBC)