Inilabas na ng Houthi rebels ang video footage ng pagsalakay at pagtatanim ng bomba ng kanilang fighters sa Greek-flagged oil tanker na MT Sounion na kinalululanan noon ng 25 crew kabilang ang 23 Pinoy seafarers habang naglalayag sa may Red Sea noong Agosto 21.
Makikita sa naturang video ang Houthi fighters na nakasuot ng mask at may dalang Kalashnivok-style rifles na sumampa sa oil tanker matapos na ito ay abandonahin ng mga nasagip na sakay na tripulante.
Itinanim ng Houthis ang mga pampasabog sa may hatches ng deck patungo sa oil tankers na nasa ibaba. Makikita din sa footage ang magkakasunod na anim na pagsabog mula sa naturang oil tanker.
Ang pagpapasabog na ito ng Houthi rebels sa MT Sounion na naglalaman ng 1 million bariles ng crude oil ay ang pinaka-seryosong pag-atake sa nakalipas na linggo sa kanilang kampaniya na mapigilan ang $1 trillion na halaga ng goods na idinadaan sa may Red sea kada taon bilang pakikisimpatiya umano sa mga Palestino at kaalyado nilang Hamas sa Gaza na nakikipag-giyera laban sa Israeli forces.
Una ng nagbabala ang Western countries at United Nations sa posibleng malawakang oil spill mula sa Sounion na makakasira sa coral reefs at wildlife sa palibot ng Red Sea. Bagamat ayon sa naval force ng EU sa rehiyon, walang nakikita sa ngayon na oil spill mula sa Sounion.
Sa isang press briefing, kinumpirma ni Deputy Pentagon Press Secretary Sabrina Singh na nananatiling intact ang lamang milyung bariles ng oil tanker ngunit mayroon lamang aniyang ilang langis mula mismo sa barko ang tumagas kung saan ito tinamaan. Sa ngayon, hindi pa rin aniya naapula ang sunog sa MT Sounion dahil sa banta ng Houthis na kanilang aatakehin ang anumang salvage recovery mission sa barko.