Inilabas ng Houthi rebels ang video na nagpapakita ng kanilang pag-atake sa cargo ship na MV Tutor lulan ang 22 Pinoy seafarers habang naglalayag sa Red Sea noong Hunyo 12.
Ito ay matapos na kumpirmahin nitong Miyerkules ng grupong nagsagawa ng salvage operation sa barko ang paglubog nito matapos ang pag-atake.
Una na ngang tinamaan ang cargo ship ng missiles at isang explosive-laden remote-controlled boat.
Nailikas naman ng international forces ang mga lulang tripulante ng barko kabilang na ang 21 Pilipino habang ang 1 namang nawawalang Pinoy ay patuloy na pinaghahanap.
Bagamat nauna ng kinumpirma ng Estados Unidos na nasawi ang naturang Pinoy seafarer na pinaniniwalaang na-trap sa engine room kung saan ito nagtratrabaho nang atakehin sila ng rebeldeng Houthi.
Ito na ang ikalawang commercial vessel na tinarget ng Houthi rebels na lumubog simula ng maglunsad ang grupo ng pag-atake noong Nobiyembre ng nakalipas na taon na base sa kanilang claim ay bilang pakikiisa umano sa mga Palestinong naiipit sa giyera sa Gaza.