-- Advertisements --

Umaasa ang citizens movement na Hugpong Para kay Sara (HPS) na makukumbinse nila si Davao City Mayor Sara Duterte na irekonsidera ang desisyon nitong huwag nang tumakbo sa pagka-pangulo sa 2022 polls.

Pahayag ito ng mga opisyal ng HPS matapos na manumpa ngyaong araw kasunod ng kanilang launching ng kanilang grupo.

Ayon sa chairman ng HPS na si dating Davao del Norte Gov. Anthony del Rosario, marami ang nagnanais na tumakbo si Mayor Duterte sa pagka-pangulo, patunay na mahigit ang 15,000 supporters at chapter members sa iba’t ibang panig ng bansa na nanumpa sa HPS ngayong araw.

Sinabi naman ng tagapagsalita ng HPS na si Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera na umaasa ang HPS na tatakbo sa pagka-pangulo si Mayor Sara sa eleksyon, lalo’t pinaniniwalaan ng kanilang grupo na ang presidential daughter ang magsusulong ng Pilipinas sa hinaharap.

Ayon kay Herrera, hindi madaling desisyon para kay Mayor Sara ang pagsabak sa presidential elections, pero ang HPS aniya ay gagabay sa alkalde sa kanyang pagpapasya.

Umaasa naman si Del Rosario na sa clamor na natatanggap ngayon ni Mayor Duterte ay mahikayat si Pangulong Rodrigo Duterte na umatras na lang sa pagtakbo sa 2022 polls para matuloy ang kandidatura naman ng anak nito.