CAGAYAN DE ORO CITY – Dinalaw ng dating pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang mga labi ng tinaguriang ‘political kingpin’ ng Misamis Oriental at Cagayan de Oro City na si Padayon Pilipino Party founder former City Mayor Vicente ‘Dongkoy’ Emano sa kanilang ancestral house sa Barangay Gusa ng lungsod.
Ito ay upang personal na ipaabot ang pakikiramay ni Arroyo sa pamilya ni Emano na matagal nitong kaibigan at nakatulong sa kanyang panunungkulan noong nagsilbing pangulo ng bansa.
Bagamat,naging pribado at hindi nagpaunlak ng panayam si Arroyo dahil nais nitong makausap ng masinsinan ang mga anak at maybahay ng dating alkalde ng Cagayan de Oro kaninang umaga.
Si Arroyo at Emano ang naging instrumento kung bakit nakuha ang tiwala ng South Korean government upang makakuha ng pondo ang Pilipinas para maipatayo ng tuluyan ang airport ng Laguindingan,Misamis Oriental mula sa maliit lamang na paliparan na nakabase sa Barangay Lumbia ng lungsod noon.
Palihim rin na umalis si Arroyo na hindi namamalayan ng mga miyembro ng media upang hindi magambala ang mga tao na nagpaabot simpatiya sa pamilyang Emano at mga kaanak na nasa lugar.
Dumalaw rin ang kontrobersyal na si actor at dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr at Senador Migz Zubiri ng Bukidnon sa burol ni Emano sa magkaibang mga oras.
Kaugnay nito,pormal nang tinanggap ni City Councilor Atty Nadia Emano-Elipe ang pagpalit bilang kandidato ng pagka-bise alkalde dahil sa pagpanaw ng kanyang ama.
Emosyonal na inihayag ni Emano-Elipe na hindi nito malalampasan ang angking abilidad ng kanyang ama subalit pagsisikapan rin niya na maipaabot ang serbisyo para sa mga residente ng lungsod.
Si Nadya ay number 1 councilor ng panglawang distrito ng lungsod na makikipagtunggali laban kay incumbent City Vice Mayor Rainer Joaquin Uy sa darating na May 13 elections.