Itinuturing ni national basketball team head coach Tim Cone na malaking kawalan sa Gilas Pilipinas sa SEA Games si PBA star Jason Castro.
Una nang dumanas ng muscle strain si Castro sa laro ng kanyang mother team na TNT laban sa NLEX sa nagpapatuloy na 2019 PBA Governors’ Cup.
Sinasabing nangangailangan umano ng apat hanggang anim na linggo para magpagaling sa kanyang injury si Castro.
Ang 30th Southeast Asian Games ay magsisimula na sa November 30.
Tinawag tuloy ni Cone na “huge, huge, huge blow” sa preparasyon ng Gilas ang tuluyang pagka-sideline ni Castro na dalawang beses nang kinilala bilang Asia’s best point guard.
Si Jason ay kabilang sana sa sasandalan ni Cone sa kanilang kampanya kahit all-pro team ang ilalaban ng bansa sa SEA Games.
Labis na nanghinayang si Cone dahil excited din syang hawakan at i-coach si Castro.
Balak ngayon ng Ginebra coach na kausapin din ang PBA doctor sa kalagayan ni Castro bago mag-anunsyo kung kukuha pa ba ng kapalit na player sa pool o mananatili sila sa nabawasang 14 players.
Ang basketball team ng Pilipinas ay matagal ng kampeon sa mahabang panahon sa SEA Games.