-- Advertisements --

Itiniwalag ng partidong Hugpong ng Pagbabago (HNP) sa Davao region na pinangungunahan ni Vice President Sara Duterte ang 4 na miyembro nito.

Kabilang dito sina Davao de Oro Rep. Maria Carmen Zamora at local political powerhouses mula sa Uy clan na napag-alamang kaalyado ng Marcos administration na sina Tagum City Mayor Rey Uy at kaniyang anak na si Vice Gov. De Carlo Uy ng Davao del Norte; maging ang pinsan nito na si Davao de Oro Vice Gov. Jayvee Tyron Uy.

Sa isang statement mula sa partido na kumalat sa social media nitong Martes, sinabi ng HNP na ang termination ng kanilang membership sa partido na epektibo noong Lunes ay sa gitna ng kamakailang mga pangyayari at aksiyon na napag-alamang taliwas sa core principles at polisiya ng kanilang partido.

Sinabi din ng partido na ang kanilang desisyon na alisin ang apat na miyembro nito ay hindi naging madali dahil sila ay valued members umano ng kanilang partido.

Inaasahan aniya na sa mga susunod na araw, magpapasa ng courtesy resignation ang iba pang miyembro ng HNP kasabay ng kanilang patuloy na paghahanda para sa nalalapit na halalan.

Ang mga pagbabagong ito sa HMP ay isang araw matapos ang isinagawang rally ng dating Pangulong Rodrigo Duterte at kaniyang mga kaalyado sa Tagum City na inorganisa ng Hakbang ng Maisug, isang movement na inilunsad ng mga Duterte sa Davao city noong Enero na hinubog para maging political counterforce ni Pangulong Marcos.

Una ng inakusahan ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez sina Mayor Uy at kaniyang anak na si Vice Gov. De Carlo na kasalukuyang acting governor ng Davao del Norte na nasa likod umano ng pagharang sa pagsasagawa ng Maisug rally noong Abril 14 sa provincial government sports complex.

Pinabulaanan naman ni Mayor Uy ang naturang akusasyon at sinabing malayang magsagawa ng rallies ang mga kaalyado ng dating Pangulo sa Tagum city.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na statement ang 4 na political leaders kaugnay sa kanilang pagkakatiwalag mula sa HNP.