Aabot na sa 10,000 na mga batang kasundaluhan ang ipapadala ng North Korea sa Russia sa gitna ng patuloy na sigalot sa Ukraine ayon sa Pentagon.
Ayon sa Amerika, ang ginagawang pagpapadala ng sundalo ng North Korea sa giyera ng Ukraine at Russia ay maaaring mag-hudyat ng malaking tensyon sa iba’t-ibang kaalyadong mga bansa.
Ikinababahala rin ng US na maaaring tumagal pa muli ng tatlong taon ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia dahil sa pagsali ng mga sundalo ng North Korea.
Sinabi naman ng presidential office ng South Korea na 3,000 na tropa na ng sundalo ng North Korea ang kanilang namataang papunta sa battlefronts sa western Russia.
Ayon pa sa South Korea ang pagde-deploy ng mga mga batang sundalo na siyang gagamitin laban sa Ukraine ay maaaring mauwi sa madugong pagkaubos ng mga ito sa kadahilanang wala pa silang kaukulang combat experience at ginamit lang umano sila ng North Korea bilang tugon sa makukuha nitong bayad sa Russia.
Makakatanggap kasi ang North Korea kada buwan ng kaukulang bayad mula sa Russia ng aabot sa $2,000 o P116,000 kada isang sundalo.
Samantala, ayon sa ilang mga eksperto nakikita ni North Korean leader Kim Jong Un na sugal ito para makalikom umano ng mga foreign currency at security galing sa Russia kapalit ng pagpapadala ng kanilang mga sundalo para labanan ang Ukraine.