-- Advertisements --

Tumaas ng hanggang 15% ang naitalang output ng mga mangingisda sa West Philippine Sea mula noong taong 2022 hanggang 2023.

Ayon kay Presidential Assistant for Maritime Concerns Andres Centino, batay sa datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay pumalo na sa 201,000 metric tons ang naging output ng mga mangingisda sa WPS 2023.

Sa kabila ito ng nagaganap na geopolitical tensions sa maritime zones na nakakaapekto naman sa access ng mga Pilipinong mangingisda sa naturang bahagi ng katubigan na nagdudulot naman ng banta sa Fisheries production na may katumbas na Php200 million na halaga.

Una nang sinabi ng BFAR na inaasahan nito ang paglago pa ng produksyon ng mga palaisdaan sa WPS lalo na ngayong nagsimula na ang pamahalaan sa pagsasagawa ng rotational deployment ng mga barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc shoal upang tiyakin ang magiging seguridad ng mga Pilipinong mangingisda sa lugar na kadalasang nakakaranas ng panghaharass ng mga barko ng China.

Sa ulat, sa ngayon ay mayroong 385,000 na mga mangingisda ang pumapalaot sa West Philippine Sea bilang bahagi ng kanilang kabuhayan.