Mas aasahan ang mainit at maaraw na lagay na panahon sa maghapon ngayong Linggo, huling araw ng Pebrero.
Ayon sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), ito ay dulot ng easterlies o yaong hangin na nagmumula sa Pacific Ocean.
Wala ring inaasahang papasok na masamang lagay ng panahon sa Philippine area of responsibility sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw.
Gayunman, may pagkakataon pa rin na bubuhos ang ulan pagsapit ng hapon at gabi pero ito ay isolated rain showers lamang o panandalian lamang na mararanasan.
Samantala, ang temperatura sa Metro Manila ay maglalaro mula 24 degrees Celsius (°C) hanggang 32°C.
Kung maaalala, noong nakaraang linggo lang nang ihayag ng PAGASA na tatagal pa hanggang sa ikalawang linggo ng Marso ang nararamdamang malamig na panahon sa bansa dulot ng hanging amihan.
Dito ay bumagsak sa 19.3 °C ang temperatura sa Metro Manila, na pinakamalamig umanong naitala simula noong November 2020.
Ayon kay PAGASA weather specialist Raymond Ordinario, nararanasan pa ng Pilipinas ang dry season na malamig at may posibilidad na maiksi lamang ang dry season na mainit.