Kinumpirma ngayong araw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dumating na sa Pilipinas ang huling batch ng 14 na Pilipino mula sa Gaza na kasalukuyang sentro ng ground offensive ng Israel forces sa gitna ng nagpapatuloy pa ring giyera sa pagitan ng Israel at Hamas.
Ayon kay Foreign Affairs USec. Eduardo de Vega, nasa kabuuang 136 na ang mga Pilipinong na-repatriate mula sa Gaza.
Sinalubong ng mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration ang mga napauwing Pilipino na dumating sa NAIA kahapon. Kasama din sa mga repatriated Filipinos ang 2 Palestino.
Ayon pa kay USec. De Vega, isang madreng Pinay ang piniling manatili sa Gaza at tiniyak naman ng DFA official na patuloy na babantayan ng Embahada ng PH sa Amman ang kaniyang kalagayan.