Idinadaing ngayon ng ilang grupo ng lokal na mangingisda na kumunti ang kanilang huling isda sa Scarborough shoal mula ng mag-umpisa ang Balikatan exercises na maaari umanong nagbunsod sa mga Chinese na magpadala ng mas maraming mga barko sa lugar at patuloy na panghaharass sa mga Pilipinong mangingisda.
Ayon kay New Masinloc Fishermen’s Association president Leonardo Cuaresma, nagpapatuloy ang pambubully ng Chinese coast guard at tumaas pa ang kanilang bilang pagkatapos ng Balikatan exercise.
Aniya, noong nakalipas na mga araw, nasa 1.5 tonelada lamang ang kanilang huling isda kumapara noong nakalipas na buwan na umaabot pa as 4 na tonelada.
Ito ay sa gitna ng presensiya ng mahigit 30 Chinese militia, 6 na Chinese Coast Guard at 4 na Chinese Navy na namataan sa lugar base sa kaniyang nakalap na impormasyon.
Ibinahagi rin nito na kabila ng 5 araw na pamamalaot ng mga ito sa lugar, may pagkakataon na umaabot lamang sa P3,000 ang kanilang kinikita subalit wala naman aniya silang magagawa dahil hindi naman sila maaaring magtungo sa municipal waters dahil crowded din doon.
Kinumpirma din nito na inalis ng CCG ang mga payao na inilagay ng mga mangingisdang Pilipino at commercial fishing vessels sa naturang karagatan kung saan ang mga Chinese aniya ang nasa likod ng pagtanggal ng mga payao sa WPS.
Matatandaan na nag-kick off ang ika-39 na Balikatan joint military exercises noong Abril 22 at magtatagal pa hanggang sa Mayo 8, kung saan kasama ang naval forces ng PH, US at France na nagsasagawa ng joint drills sa West Phillippine Sea, bagay na tinututulan ng China.