Bumagsak sa 70% ang nahuhuling isda sa West Philippine Sea simula noong 2020.
Isinisisi ito sa pagkasira ng mga coral sa lugar kung saan ibinabala ng grupo ng mangingisda na inaasahang lalo pang bababa ang huling isda sa gitna ng napaulat na malawakang coral harvesting ng Chinese maritime militia sa Rozul reef.
Ang mga coral kasi ang nagsisilbing breeding grounds para sa marine life.
Ayon kay Pamalakaya chairman Fernando Hicap, base sa reports mula sa mangingisda partikular mula sa Zambales, bumaba ng 70% ang huling isda sa gitna ng mga iligal na aktibidad ng Chinese fishing vessels.
Nagsimula aniya ang pagbaba ng huling mga isda matapos ang standoff sa Scarborough shoal noong 2012 nang pigilan ng mga barko ng China ang mga tauhan ng Philippine Navy mula sa paghuli sa Chinese fishing boat na may dalang iligal na cargo ng endangered corals, baby sharks at giant clams.
Simula noon ay hindi na umano nilisan ng Chinese fishing vessels ang lugar kayat hindi na malayang makapangisda ang mga mangingisdang Pilipino sa West PH Sea.
Sinabi din ni Hicap na ang pagkuha ng China ng corals sa lugar ay magreresulta sa kabuuan ng kakulangan sa suplay ng isda sa bansa.
Kaugnay nito, umapela ang grupo ng mangingisda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na atasan ang concerned agencies para tukuyin ang lawak ng pinsala sa coral reefs o mga bahura sa WPS upang ma-rehabilitate ang mga apektadong lugar gayundin mag-demand sa China na magbayad ng kompensasyon para sa pinsala sa coral rrefs.