Tulad sa kanyang limang naging State of the Nation Address (SONA), isa pa rin sa mga pinakaunang tinalakay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang patungkol sa iligal na droga.
Ayon kay Pangulong Duterte, maituturing niya na “challenging” ang kabuuang direksyon ng kanyang liderato sa bansa.
Napabalik tanaw pa ito sa kanyang unang SONA noong 2016 kung saan tanging hangad daw niya na mabigyan ng komportableng buhay ang mga Pilipino.
Masaya aniya siya dahil natupad ang target na may makapaalok na libreng edukasyon, gayundin ang pagkakapasa bilang batas sa Universal Health Care upang maiwasan ang problemang pinansyal pagdating sa pagpapagamot.
“Today, as I approach…my end of my term, I have less visions, but more remembrances. But mine is not to rue or to second-guess what might have been, but to bear and respond with the urgency of the unforeseen events as they unfold,” ani Duterte.
Gayunman, inakala raw niya na tulad sa hometown nito sa Davao, ay magiging madali lamang ang pagsugpo sa iligal na droga sa buong bansa sa loob ng anim na buwan.
Sa kabila nito, nagbunga pa rin naman ang kampanya kontra iligal na droga sa pagkakadakip at pagsuko ng milyong tao na sangkot sa illegal drugs.
Dahil dito kung kaya ipinagpatuloy ang paglaban sa kriminalidad at korupsyon.
Nahapyawan din nito sa unang bahagi ng SONA, ang epekto ng Coronavirus Disease (COVID) sa bansa na dahilan daw ng pagbagsak ng ekonomiya. Hindi naman nito nakalimutang pasalamatan ang lahat ng mga nagtutulungan para tuluyang mapuksan ang deadly virus.
Hinggil naman sa mga daily commuter, wala na aniyang katakot-takot na karanasan sa nakalipas.
“Today, we can see the tangible results. MRT3…was a horror for the daily commuters to endure in the past. The waiting time between trains has been significantly reduced…. We have taken away the misery of public commuting.”
Kabilang pa sa mga tinalakay nito sa pang-anim at huling SONA, ay ang sakripisyo ng mga overseas Filipino workers (OFWs); pagpatay sa mga komunista; libreng legal assistance sa ilang sundalo at pulis; pagkompleto sa Marawi rehabilitation, infra projects sa mga probinsya, isyu sa ABS-CBN shutdown at iba pa.
Ibinida rin nito na mula nang pamunuan ang bansa noong 2016, nakapaglabas ang Office of the President ng 138 executive orders, 43 administrative orders, 86 memorandum circulars, 52 memorandum orders, at 1,038 proclamations.
Una rito, eksakto alas-4:00 ng hapon nang dumating sa Batasan Pambansa si Digong lulan ng helicopter.
Ang young singer na si Morissette Amon ang umawit sa national anthem ng Pilipinas.
Habang ang beteranong si Danny Abad ng Radio TV Malacañang (RTVM) ang direktor sa huling “Ulat sa Bayan” ng pangulo.
Ayon kay PTV General Manager Kat de Castro, binigyan sila ng kumpas ng Malacanang para pumili ng magiging direktor.
“RTVM’s Asec Demic Pabalan volunteered one of their own, Director Danny Abad, who has directed SONAs of past presidents,” ani De Castro.
(developing story)….