(Update) BACOLOD CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis kaugnay sa pagpaslang sa isang human rights activist sa Sta. Maria St., Eroreco Subdivision, Brgy. Mandalagan, lungsod ng Bacolod kagabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Major Richard Fajarito, station commander ng Bacolod Police Station 3, ang biktima ay kinilalang si Zara Alvarez, 29, residente ng Cadiz City, Negros Occidental ngunit nangungupahan sa Eroreco Subdivision.
Ayon kay Fajarito, bumili ng ulam at papauwi na sana si Alvarez sa kanyang boarding house nang binaril ito ng hindi nakilalang suspek.
Posible aniyang sinundan ang biktima at matapos itong barilin, agad na tumakbo ang suspek papuntang north direction kung saan naghihintay ang kasama nitong nakasakay sa motorsiklo.
Ayon sa mga residente, una silang nakarining ng apat na putok na sinundan ng dalawang putok matapos ang ilang segundo.
Sa ngayon ayon sa station commander, patuloy pang inaalam ang motibo sa krimen.