ROXAS CITY – Emosyonal ang human rights advocate lawyer habang sinariwa nito ang nangyaring pananambang sa kanyang sasakyan kasama ang anak nitong doktor at ang kaniyang kliyente sa Brgy. Malapad Cogon, Sigma, Capiz.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas, inihayag ni Atty. Cris Heredia na hindi nito suka’t akalaing may maglalakas-loob na magpaulanan ng bala sa kanilang sasakyan habang pauwi na mula sa hearing ng kaso ng kaniyang kliyente sa bayan ng Dao.
Inamin nito na matagal na siyang nakakatanggap ng mga “death threats” ngunit blangko pa rin ito sa kung sino ang nasa likod ng pang-aambush sa kanila.
Nabatid na kilalang abogado ng mga mahihirap at kasapi ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) si Heredia ngunit nanindigan itong hindi siya banta sa estado dahil ginagawa lamang nito ang kaniyang trabaho.
Maswerteng hindi natamaan ng bala si Heredia at ang anak nitong doktor ngunit nadaplisan naman ng bala sa batok ang kliyente nitong si alyas Jay na isang sundalo matapos nakipagpalitan ng putok sa mga suspek.
Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang mga suspek sa pang-aambush ngunit sakay umano ang mga ito ng dalawang motorsiklo.