-- Advertisements --

Nanawagan ang mga Human rigths advocates sa International Criminal Court (ICC) na huwag palayain si dating Pangulong Rodrigo Duterte, kasunod ng lumalalang online harassment at pananakot laban umano sa mga pamilya ng mga extrajudicial killings (EJK) victims.

Ito ang pinanawagan ng ”Rise Up for Life and for Rights”, isang grupong nagsusulong ng hustisya para sa mga biktima ng war on drugs, at ang kilos na ginagawa umano ng mga tagasuporta ng dating Pangulo ay ‘seryosong banta’ na aniya.

Ikinababahala rin ng grupo na kung palalayain si Duterte, lalo lamang aniya na lalakas ang loob ng kanyang mga tagasuporta upang maghasik ng gulo at panganib sa mga biktima, testigo, at maging sa mga opisyal ng ICC na may kaugnayan sa kaso.

Ipinaliwanag ng human rights lawyer at registered ICC Assistant to Counsel Kristina Conti ang posibleng legal na epekto ng ”pambubully” aniya ng mga tagasuporta ni Duterte sa kanyang posibleng apela para sa kaso ng dating Pangulo.

Binigyang-diin niya na ayon sa Article 70 ng Rome Statute, maaaring humarap sa mga karagdagang kaso ang sinumang gumagawa ng mga paglabag sa pangangasiwa ng hustisya, kabilang ang ‘pananakot’, ‘pagbabanta’, o ‘paghihiganti’ laban sa mga saksi at opisyal ng korte.

Sa isang social media post, binigyang-diin ni Conti na batid ng ICC ang mga panganib na kinakaharap ng mga saksi, biktima, at maging ng sarili nitong mga opisyal.

Ayon pa kay Conti, anumang panliligalig o panggigipit, lalo na kung may kaugnayan sa dating Pangulong Duterte ay maaaring palakasin ang mga kaso nito na posibleng humantong pa aniya sa mga karagdagang kaso.