-- Advertisements --

Puspusan ngayon ang paghahabol ng Human Rights Victims’ Claims Board para makompleto na rin at mabayaran ang lahat ng mga claimants na biktima ng Martial Law noong panahon ng rehimeng Marcos.

Sinabi sa Bombo Radyo ng Board Chairperson Lina Sarmiento, hanggang May 12 na lamang ng taong kasalukuyan at madi-dissolve na ang kanilang tanggapan.

Aniya, kailangang tapusin ng Board na busisiin ang 75,730 na mga claimants kung ang mga ito ba ay talagang mga naging biktima ng Martial Law.

Sa ngayon daw ayon kay Sarmiento umabot na sa 9,204 na mga claims ang kanilang naresolba at nakapagbayad na sila ng P362.4 million para sa 5,121 claimants.

Ang susunod daw na batch na kinapapalooban ng halos 3,000 na mga pangalan ay ilalabas bago matapos ang buwang ito.

Dahil dito, marami ring mga pangalan ang posibleng hindi makapasa dahil sa mahigpit na pagsala kung ang isang claimant ba ay biktima ng Martial Law noong panahon ng Marcos administration.

Ang paghahatihati sa natitirang P10 billion ay nagmula sa narekober ng Philippine government sa  secret Swiss bank deposits ni yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos.

“Of course merong mga na-deny hindi naman lahat ng mga 75,730 ay approve lahat, so, maraming na-deny,” ani Sarmiento na kauna-unang two-star general sa PNP.