Ikinaalarma ng grupong Karapatan ang umano’y labis na pag-atake laban sa mga babaeng miyembro ng grupong Rise Up for Life and for Rights at National Union of Peoples Lawyers (NUPL), kasunod ng tuluyang pagkaka-aresto kay dating Pang. Rodrigo Duterte.
Ang dalawang nabanggit na grupo ay kapwa tumutulong sa mga kamag-anak ng umano’y mga biktima ng malawakang drug war ng nakalipas na administrasyon.
Ayon sa grupong Karapatan, labis ang pagbuhos ng mga sexist at hate comments sa social media pages ng ilang mga miyembro ng dalawang grupo maliban pa sa kanilang natatanggap na pagbabanta sa pamamagitan ng iba’t-ibang messaging service.
Inihalimbawa ng mga ito ang pag-atakeng ginagawa kay Atty. Kristina Conti, ang nagsisilbing Assistant to Counsel for the International Criminal Court (ICC), lalo na sa social media platform.
Ang naturang abogado, kasama ang iba pang mga human-rights lawyer at mga advocate ay nahaharap umano sa malawakang disinformation, pangungutya, pagbabanta, at pamamahiya.
Giit ng grupo, bahagi ito ng umano’y ‘impunity’ o hindi pagpapanagot sa mga nagkakasala noong panahon ni dating Pang. Duterte na labis na napabayaan hanggang sa lalo pang tumindi.
Hinimok naman ng naturang grupo ang mga Pilipino na patuloy na maging responsable at maging accountable sa bawat ginagawang aksyon, lalo na sa paggamit ng social media.